Nung ako ay sanggol pa lamang. |
Lahat ng tao ay may sariling karanasan. Maari itong masaya o malungkot na pangyayari. tulad ko, may sarili akong karanasan sa buhay. Ang layunin ng talambuhay kong ito ay upang mailahad ang mga pangyayari simula noong ako ay ipinanganak hanggang sa paglaki ko. Gusto ko ring ilahad ang mga nangyari na aking kinaya upang makatapos ng sekondarya.
Noong ako ay kinder pa lamang. |
Taong 2001, pumasok ako ng Grade 1. Naging kabado ako dahil bago na naman ang makakasalamuha ko. Ngunit unang pasukan palang noon marami na agad akong nakikilalang mga kaibigan. Mabait at matalino ang mga naging guro ko, kaya madali akong nakakakuha ng kanilang tinuturo.Nagtapos ako ng Grade 1 at pumasok ako ng Grade 2.
Nanalo ako ng ikatlong pwesto sa bigkasan. |
Nung ako ay ika-pitong taong gulang na ay naghanda ang aking magulang ng simplang salu-salo. Ako ay masaya noon dahil naroon ang aking mga pinsan. Madami ang nagbigay sa akin ng regalo na aking ikinatuwa. Madami ring tao ang pumunta at kumain sa aking kaarawan. Masaya ang ika-pito kong kaarawan dahil kumpleto ang aking pamilya.
Noong ako ay nasa ikalimang baitang na, nabigyan naman ako ng pagkakataong maipakita ang galing ko pagkanta. Madami akong isinakripisyo noon upang mahasa ang aking pagkanta, tulad ng pag-inom ng salabat, hindi paglalaro sa hapon tuwing awasan at hindi pag-inom ng malalamig na inumin. Noong kami ay lumaban, naging maayos ang aking pagkanta. Nagkamit ako ng ika-dalawang puwesto. Masaya naman ako kahit hindi ko nakuha ang unang puwesto dahil naipakita ko naman ang aking talento.
Noong ako naman ay nasa ika-anim na baitang na, naging pursigido ako sa pag-aaral. Maaga akong pumasok at lagi akong tumutulong sa paglilinis ng loob at labas ng silid-aralan. Pagdating ko sa hapon sa aming bahay ay ginagawa ko na ang lahat ng takdang aralin. Nagkaroon sa amin ng paligsahan sa pagsulat ng balita, at ako ang pinili ng aming guro na ilaban para sa pagsulat ng balitang pampalakasan. Kahit sabado ay nagpapraktis kami ng pagsulat, kasama ko ang aking kaibigan. Inaabot kami ng hapon sa pagpapraktis. Kaya hindi ko masyado mabigyan pansin ang paglalaro. Tuwing linggo naman ay natulong ako sa mga gawaing bahay. Tinutulungan ko ang aking ama sa pamimitas ng gulay. Pagkatapos naming mamitas ng mga gulay, ay isinasakay namin iyon sa kariton papunta sa labasan. Binibigyan naman ako ng aking ama ng ekstrang pera kapag naipagbili na niya ang mga gulay.
Minsan nagkaroon kami ng piknik kasama ang aking mga kaklase. Masaya kaming naglalangoy sa ilog at sabay-sabay kaming kumain sa dahon ng saging. Sa kasamaang palad, may kasama akming nauntog sa bato. Nagdugo ang kanyang ulo at iniahon namin siya kaagad sa tubig. Umalis na kami sa ilog, ngunit nagdudurugo parin ang ulo ng aming kasama. Iniuwi namin kaagad siya sa kanilang bahay upang malapatan ng gamot at mabuti naman ay naalis agad ang pagdurugo.
Dumating ang araw ng aking pagtatapos ng elementarya. Lahat kami ay may saya at lungkot sa mukha. Tuwang-tuwa ang aking magulang dahil sa aking pagtatapos. Nagkaroon ako ng medalya, dahil sa pagiging aktibong mag-aaral. Kumanta kami ng "Glowing Inside" bago maghiwa-hiwalay. Naging emosyonal ang iba at ang iba naman ay masaya. Naghanda ang aking magulang ng konting salu-salo para sa aming pamilya. Ako ay tuwang-tuwa at nagpasalamat ako sa aking mga magulang, dahil binigyan nila ako ng simpleng salo-salo, at kami ay buo ang pamilya.
Dumating ang bakasyon pagkatapos ng elementarya. Nagkaroon ng liga sa amin ng basketbol. Isinali ako ng aking matalik na kaibigan, upang makapaglaro naman ako noong bakasyon. Gumigising kami ng maaga upang mag-jogging. Kasama ang aming taga-payo. Masaya naman kahit kami ay kulang pa ang tulog. At pagkatapos naming mag-jogging ay naglalaro kami ng basketbol upang magpraktis. Dumating ang aming unang laban, lahat kami ay kampante dahil itinuro iyon ng aming taga-payo. Ako ay kasama sa unang limang ipinasok. Malalaki ang aming mga kalaban ngunit hindi kami nagpadaig, tinalo namin ang kalaban ng buong sigla. Pagkatapos ng laban, ay nagluto kami ng sopas upang matanggal ang pagod. Hindi ko akalaing ganoon kasaya ang mapasali sa basketbol.
Pumasok ako ng sekondarya, naging kabado ako dahil iba na ang aking mga kaklase. Noong nag-enrol ako, may nakita agad akong kaibigan. Nakausap ko siya hanggang matapos ako sa pag-eenroll. Kinabukasan, simula na ng klase, nakita ko agad ang kaibigan kong nakausap noong nag-eenroll ako. Naging mabuti kaming magkaibigan, at hindi nagtagal, madami narin akong nakilalang iba. Naging mabait ako sa aking mga kamag-aral at naging ganon din sila sa sakin.
Naging masaya ang buhay ng sekondarya para sa akin, kasi marami akong nakilala at nakasalamuhang ibang tao. At ngayon, malapit na akong makatapos ng sekondarya at malapit na rin kaming magkahiwa-hiwalay ng aking mga kaklase.Hindi ko malilimutan ang lahat ng mga nangyari sa akin ngayong hayskul. Lagi kong isinasaisip na hindi hadlang ang kahirapan sa pag-abot ng pangarap. Pipilitin kong makatapos ng pag-aaral dahil ito ay aking mapapakinabangan pagdating ng araw.
ano na po ang nangyari sa iyo? kelan ka po mag uupload ng blog mo? gusto ko pong matunghayan ang iyong buhay
TumugonBurahinNagmamahal at humahanga
-Christian Capule from Bulacan